Positibong resulta inaasahan sa ceasefire
MANILA, Philippines — Umaasa ang security cluster ni Pangulong Rodrigo Duterte na magdudulot ng positibong resulta ang kasalukuyang umiiral na unilateral ceasefire sa pagitan ng gobyerno at Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Sinabi ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. na kahit umiiral ang unilateral ceasefire, nagpapakita ito na walang kontrol ang grupo ni CPP founder Jose Maria Sison sa mga naglunsad ng mga pag-atake sa state forces at hindi tumalima sa kautusan ng gobyerno sa ngalan ng holiday season.
Ginawa na halimbawa ni Esperon ang magkakasunod na rebel attacks sa mga sundalo sa Bicol at Western Visayas regions na ikinasawi ng ilang buhay kahit umiiral na ang unilateral ceasefire na tatagal ng 15 araw.
Inihayag ni Esperon na alam talaga nila ang tunay na kulay ng mga komunista subalit pinagbibigyan ang mga panibagong pagkakataon ng gobyerno upang makuha lamang ang inaasam na pangmatagalang kapayapaan para sa bansa.
Kung siya lang anya ang masusunod, hindi na nito hahayaan na mag-expire pa ang unilateral ceasefire hanggang sa makamtan ang selyado na usapang pangkapayaan ng dalawang panig.
- Latest