Kongresista, governor pwede nang magkasal
MANILA, Philippines – Maaari na rin magkasal ang mga kongresista gayundin ang mga gobernador sa sandaling makalusot ang isang panukala sa Kamara.
Ito’y matapos isalang sa deliberasyon ng House committee on revision of laws ang House Bil 5699 na naglalayong amyendahan ang Family Code para maisama ang mga kongresista at gobernador sa listahan ng mga indibidwal na may otorisasyon na magkasal.
Nakasaad sa panukala na sa ngayon tanging ang mga Alkalde, miyembro ng Hudikatura, pari o Rabbi ang pinapayagan lamang na magbasbas ng kasal.
Habang sa ilang pagkakataon ay nabibigyan din umano ng otorisasyon na magkasal ang kapitan ng barko, eroplano, consul, vice consul at military commanders.
Subalit sa ngayon ay napapanahon na umanong maisama na rito ang mga kongresista at gobernador para magkaroon ng maraming choice ang mag-partner kung kanino magpapakasal.
Mahalaga umano ito sa kasalukuyan lalo na at dumarami ang common law relationships o live-in o nagsasama ng hindi kasal.
Nilinaw naman sa panukala na ito ay limitado lamang para sa district congressmen at hindi kasama ang mga partylist representatives.
- Latest