Ex-DPWH Sec. Singson, 33 pa kinasuhan ng plunder
MANILA, Philippines — Kinasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa tanggapan ng Ombudsman ng graft at plunder si dating Public Works and Highways Secretary Rogelio Singson at 33 pang opisyal ng gobyerno kaugnay ng umano’y right-of-way scam sa General Santos City.
Ang kaso ay base sa exposé ng isang Roberto Catapang na nagbigay ng impormasyon sa right of way scam sa General Santos City na nakasaad sa isang sulat kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre noong nakaraang taon.
Sa impormasyon, sinasabing si Singson at dating Budget secretary Florencio Abad at iba pang opisyales ng iba’t tanggapan ng gobyerno ay nagsabwatan umano at nakinabang sa proyekto gamit ang pekeng titulo ng lupa na nakapangalan sa mga taong hindi naman matagpuan at hindi nakikita.
Sinabi ni Aguirre na ang modus operandi ng sindikato rito ay ang pag-claim sa bayad ng gobyerno sa inaangking lupa na maaapektuhan ng road right of way (RROW) para sa isang national highway construction sa GenSan. Sa proyektong ito ay sinasabing kumita si Singson ng P8.7 bilyon.
Sa kasong naisampa kahapon sa Ombudsman, hindi pa kasama rito si Abad dahil maaari itong maisama sa second batch ng mga personalidad na kakasuhan din ng NBI kaugnay ng naturang anomalya.
- Latest