90 ‘gangsters’ sa PNP sisibakin – Digong
MANILA, Philippines — May 90 miyembro ng Philippine National Police (PNP) kabilang ang tatlong may ranggong superintendent na tinawag ni Pangulong Rodrigo Duterte na mga “gangsters” ang namemeligrong masibak sa tungkulin dahil sa korapsyon at iba pang mga katiwalian.
Sa pananalita ng Pangulo sa kaarawan ni Sen. Manny Pacquiao sa General Santos City noong Linggo, tinawag nito ang mga hindi pinangalananang tatlong colonel at iba pang pulis na “kurakot” at mga gangsters na nakapasok sa gobyerno sa pamamagitan ng pagiging opisyal pa man din ng PNP.
“On Wednesday, mga tatlong superintendent, about 90, siguro mga minimum of 60 police, umalis kayo sa PNP. I am starting the purging at huwag kayong mainsulto kung hindi ka naman tinatamaan, huwag kang magalit kasi ako galit na sa dati eh,” anang Pangulo.
Sabi ng Presidente, inuumpishan na niya ang paglilinis sa mga scalawags sa hanay ng police institution na ginagamit ang kanila umanong uniporme upang gumawa ng ilegal na aktibidad.
“I’m just warning itong mga pulis na kurakot… it could be the mayor’s office or it could be --- talagang hihiritan ko kayo, babantayan ko kayo,” wika ni Duterte.
Sinabi ng Pangulo na nasanay na umano ang mga pulis sa kalokohan gaya ng panghoholdap at iba pang mga ilegal na gawain, gaya ng illegal drugs na aniya’y hindi niya hahayaan at talagang aalisin sa serbisyo.
“Alam mo bakit? Kayong mga gangster na nasa police o nasa gobyerno, medyo may takot ako, na ‘pag wala (na) kayo sa serbisyo, ‘yung baril ninyo na nalaman ninyo… then you start to bed, makitulog ka na doon sa mga gangster. Yun ang hanapbuhay ninyo eh,” dagdag ng Pangulo.
Iginiit ng Pangulo na hindi patas na ang isang pulis ay tumatanggap ng sahod mula sa gobyerno habang sangkot naman siya sa ilegal na gawain.
“Mawalaan ka ng trabaho, ang alam mo pang-pulis, mag-holdup ka, pupunta ka sa droga, eh talagang --- sabi ko walang korapsyon, droga at sisirain mo ‘yung bayan ko, I will destroy you,” banta pa ng Pangulo.
- Latest