‘No Electricity, No Election’
MANILA, Philippines – ‘No Electricity, No Election’
Ito, ayon kay Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, ang nakakatakot na pangyayari na dapat aksyunan agad ng pamahalaan kung nais nitong masiguro ang mapayapa at tapat na eleksyon sa susunod na buwan.
Ayon kay Recto, marami ang nangangamba na aabot hanggang sa eleksyon nitong Mayo ang malawakang blackout na nagaganap ngayon sa ilang bahagi ng Mindanao.
“No-el dahil sa no-el. O no election dahil no electricity. Ito ang malaking problema na siguradong magpapataas ng temperaturang politikal sa Mindanao,” ani Recto.
Sinabi ni Recto na malaki ang epekto nito sa pang-kabuuang resulta ng halalan dahil may 12.5 milyong botante ang nakarehistro sa Mindanao,” dagdag pa niya.
“Dikit ang laban ngayon sa pagpili ng susunod na Pangulo. Malaki ang epekto sa botohan kahit isang malaking rehiyon lamang o kahit malaking siyudad ang hindi makaboto,” paliwanag ni Recto.
“Isipin na lang natin ang galit ng mga taga-Mindanao kung hindi nila maiboboto ang kandidato nila sa Mayo 9,” dagdag pa ng senador. Sa 54,363,844 na rehistradong botante sa buong bansa, may 12,457,285 ang nakatira sa Mindanao.
“Halos isa sa apat na botante ay nasa Mindanao. Doble ang bilang ng botante rito kumpara sa Metro Manila. Kung sa Maynila o Quezon City nangyayari ang blackouts, sobrang laking isyu na ito,” ani Recto.
Ngayon pa lamang, ani Recto, dapat nang kumilos ang dalawang Task Forces na binuo ng Malakanyang para masiguro na sapat ang suplay ng kuryente hindi lamang sa Mindanao kundi maging sa lahat ng parte ng bansa.
- Latest


















