64 congressmen pumirma sa override ng SSS pension hike
MANILA, Philippines - Mahigit sa 60 Kongresista ang umano’y pumirma na sa resolusyon para i-override ang veto ni Pangulong Aquino sa P2,000 SSS pension hike bill.
Sinabi ni Bayan Muna partylist Rep. Neri Colmenares na mayroon na silang 64 signatures at patuloy ang kanilang pangangalap ng pirma ng iba pang kongresista.
Kabilang sa mga nagpahayag ng suporta sa override sa Aquino veto ay sina Reps. Lino Cayetano, Sol Aragones, Kimi Cojuangco, Toby Tiangco, Marcelino Teodoro, Arthur Yap at Recom Echiverri.
Noong isang linggo, nasa 57 solons na ang nauna nang lumagda sa override resolution na inisyatibo ni Colmenares at mga kasamahan nito sa Makabayan Bloc.
Umaasa si Colmenares na makakamit nila ang target na 192 signatures o 2/3 ng kabuuang bilang ng House members.
Sa May 23 o pagreconvene ng Kongreso bilang Board of Canvassers, muling pipilitin ni Colmenares na maikasa sa plenaryo ng Kamara ang override.
Matatandaan na noong huling araw ng sesyon, nabigo si Colmenares na maisulong ang override sa House plenary matapos ang biglaang pag-adjourn.
- Latest