Ambush sa city engineer ng-Bulacan, dahil sa paglaban sa katiwalian
MANILA, Philippines – Hinihinalang may kinalaman sa kaso ng mga umano’y katiwalian sa San Jose del Monte, Bulacan ang tangkang pagpatay sa city engineer ng lugar makaraang tambangan ito, kamakalawa sa naturang lalawigan.
Si Engineer Rufino Gravador na itinuturing na whistleblower sa plunder case laban kay Mayor Reynaldo San Pedro ay nagtamo ng tama ng mga bala sa katawan at nakaratay ngayon sa Delos Santos Medical Center makaraang pagbabarilin ng dalawang hindi nakilalang lalaki lulan ng motorsiklo habang patungo sa bayan ng Sta. Maria.
Sa nakuhang CCTV footages ng pulisya, makikita ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo na nakaparada sa gilid ng kalsada. Inabangan ng mga ito ang pagdating ng engineer lulan ng kanyang SUV saka pinaputukan gamit ang mga armalite rifles na itinago sa mga sako.
Nang inakalang patay na si Gravador tumakas na ang mga suspek habang ang biktima ay nagawa pang makapagmaneho hanggang sa pagamutan.Sa pahayag ng abogado ni Gravador na si Atty. Elmer Galicia, naniniwala ang biktima na may kinalaman ang kanyang paghahayag ng umano’y katiwalian sa konstruksyon ng city hall sa tangkang pagpatay sa kanya. Nilinaw naman ni Galicia na nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon sa insidente at nakikipagtulungan na rin sila sa pulisya.
- Latest