Salpukan ng 2 barko: 31 patay, 171 missing
MANILA, Philippines - Umakyat na sa 31 ang kumpirmadong patay sa banggaan ng MV Saint Thomas Aquinas 1 at MV Sulpicio Express Siete sa karagatan ng Cebu City kamakalawa ng gabi, habang patuloy ang search and rescue operation para sa nawawala pang 171 katao.
Sa pinakahuling ulat, kabuuang 831 ang onboard o sakay ng lumubog na MV Saint Thomas Aquinas, kung saan 660 ang survivors.
Nangyari ang trahedya dakong 9:03 Biyernes ng gabi malapit sa Lawis Ledge sa karagatan ng Cordova at Cebu.
Galing Butuan City ang Saint Thomas Aquinas patungong Cebu City habang ang Sulpicio Express 7 ay patungong Davao City. Papaalis na ang Sulpicio nang mabangga ang hulihang bahagi ng passenger ship na paparating naman sa Port of Cebu.
Nang makaramdam ng malakas na pagbangga ay nagkagulo ang mga pasahero, ilan sa mga natakot ay nagtalunan sa dagat at nagtakbuhan naman ang iba sa loob ng barko.
Agad nagdeklara ng abandon ship ang kapitan ng ferry at namahagi ng life jackets subalit sa loob lang ng 10 minuto ay tuluyang lumubog ang Saint Thomas bandang alas-10:53 ng gabi habang nakaligtas naman ang lahat ng 38 tripulante ng Sulpicio.
Agad nakaresponde ang Philippine Coast Guard at Philippine Navy, gayundin ang mga fishing vessel sa lugar at mga nagdaraang passenger vessel ilang minuto matapos ang banggaan.
Ayon sa report, vulnerable point umaÂno ang nabanggang baÂhagi o maaring nasa waterline o below waterline dahilan para agad na lumubog.
May vessel traffic separation scheme naman umano kahit makipot ang bahagi ng karagatan ng nasabing pantalan.
Nakalinya rin daw sa mapa o chart na hawak ng mga kapitan ng barko ang pinaka ‘highway’ kung saan sila puwedeng dumaan kaya posibleng may lumihis sa nasabing mga barko sa separation scheme.
Nagpalabas na ang Maritime Industry Authority (MARINA) ng show cause order sa dalawang kumpanya ng nasangkot sa banggaan para magpaliwanag sa loob ng 72 oras kung bakit hindi dapat suspendihin ang kanilang operasyon, partikular ang Philippine Span Asia Carrier Corp. at 2Go.
- Latest