Tulfo nagbabala sa mananamantala sa ‘Super El Niño’
MANILA, Philippines — Nagbabala si Senador Erwin Tulfo, chairman ng Senate Committee on Energy, sa mga power generation at distribution companies laban sa hindi makatwirang pagtataas ng singil sa kuryente at pagbaba ng kalidad ng serbisyo sa harap ng banta ng “Super El Niño.”
“Inaasahan naman talaga na apektado ang presyo at suplay ng kuryente dahil sa epekto ng demand pero kinakailangang maging makatarungan at makatwiran ang anumang pagtaas ng presyo. Hindi ito dapat basta-basta na magdadagdag sa mabigat na pasaning pinansyal ng mga pamilyang Pilipino araw-araw,” pahayag ni Tulfo.
Inihayag ito ni Tulfo kasunod ng babala ng Department of Energy (DOE) at ilang electric cooperative hinggil sa posibleng pagtaas ng singil sa kuryente at mga rolling blackout dahil sa matinding init ng panahon.
Ayon kay Tulfo, nauunawaan niyang maaapektuhan ng mataas na demand ang presyo at suplay ng kuryente, ngunit dapat umanong tiyakin ng mga kumpanya na makatarungan at makatwiran ang anumang dagdag-singil upang hindi lalo pang mabigatan ang mga konsyumer.
Ayon sa DOST-PAGASA, posibleng maranasan ang isang “Very Strong El Niño” mula Setyembre hanggang Disyembre 2026 at magpatuloy hanggang sa unang kalahati ng 2027.
- Latest























