China nagtapon ng basura, nangisda sa Spratly Islands

MANILA, Philippines — Mariing kinondena ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang ilegal na pangingisda at pagtatapon ng basura ng Chinese vessels sa paligid ng Kota Island sa Kalayaan Island Group (KIG) o Spratly Islands, na bahagi ng West Philippine Sea (WPS).
Ayon sa ulat ng NTF-WPS, namonitor noong Biyernes ang pagpasok ng dalawang Chinese militia vessels at 22 maliliit na bangka o sampan sa karagatang sakop ng Kota Island.
Ang Kota Island ay nasa loob ng munisipalidad ng Kalayaan, Palawan, at kabilang sa siyam na islets na nasa ilalim ng hurisdiksyon at inookahan ng Pilipinas sa KIG, na bahagi ng pinag-aagawang teritoryo sa WPS.
Sinabi ng NTF-WPS na nasangkot ang mga Chinese vessel sa ilegal na pangingisda at higit pang nakapagdulot ng pangamba dahil sa pagtatapon ng basura sa lugar. Isa pa sa mga sampan ang naiulat na lumapit hanggang 250 metro mula sa dalampasigan ng Kota Island.
Dahil dito, nagtungo sa lugar ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG), kasama ang Philippine Marine Corps at Philippine Navy, upang paalisin at pagsabihan ang mga Chinese vessel na lumalabag sa teritoryo ng Pilipinas. Gayunman, nagmaniobra umano ang Chinese mothership at pinalibutan ang mga maliliit nitong bangka.
Sa kasagsagan ng insidente, iginiit umano ng lider ng mga Chinese vessel na kanilang teritoryo ang lugar at pinapaalis pa ang Philippine team.
Pinuri naman ng NTF-WPS ang mabilis at propesyonal na aksyon ng Philippine Coast Guard, Philippine Marine Corps, at Philippine Navy.
- Latest




















