GenCorp bigong ideklara P1.049 bilyong kita – witness

MANILA, Philippines — Nabigo umanong ideklara ng GenCorp Industries Inc. ang mahigit P1.049 bilyong kita sa loob ng apat na taon. Ang GenCorp ang kumpanyang nagpapatakbo ng limang sangay ng Jollibee at isa sa mga negosyong nakasaad sa SALN ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay forensic accounting expert na si Atty. Alexander Cabrera sa impeachment court ng Senado, may average na 87 porsiyentong kakulangan sa pag-uulat ng kita ang GenCorp, kung saan 10-13 porsiyento lamang umano ng aktuwal na kita nito ang naidedeklara bawat taon.
“GenCorp po talaga iyong may pinakamalaking underdeclaration — mahigit isang bilyon,” ani Cabrera, habang inihahambing ang kumpanya sa dalawa pang negosyong sinuri sa kanyang imbestigasyon, ang Cale88 Food Corps at Metro Chow.
Tinataya rin niya na aabot sa P212 milyon ang bahaging maiuugnay kay Duterte batay sa konserbatibong pagtatayang mayroon itong 20 porsiyentong exonomic interest sa kumpanya.
Ibinunyag din ng eksperto ang umano’y hindi pagkakatugma ng SALN ni Duterte at ng mga rekord ng GenCorp sa Securities and Exchange Commission (SEC). Bagama’t nakasaad sa SALN na isa siyang stockholder ng kumpanya, hindi umano lumitaw ang kanyang pangalan sa General Information Sheet (GIS) ng GenCorp.
Kinuwestiyon din ni Cabrera ang mga kontratang nakuha ng GenCorp mula sa pamahalaan, kabilang ang P34.22 milyon mula sa Davao City, at sinabing maaari itong magbunsod ng isyu sa conflict of interest kung nakapangalan si Duterte bilang shareholder sa GIS.
Kinuwestiyon din ng eksperto ang idineklarang kapital ng GenCorp na P1.25 milyon lamang, sa kabila ng pagpapatakbo nito ng limang sangay ng Jollibee. Ayon sa kanyang pagtataya, mangangailangan ang limang sangay ng pinagsamang puhunan na hindi bababa sa P175 milyon.
- Latest






















