^

Punto Mo

Walang halaga ang ulo kung walang laman

PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Karaniwang ginagamitan ng pamagat ang mga balita, lathalain, kolum, libro, nobela, sanaysay, tula, awitin, pelikula, palabas sa telebisyon, streaming video, advertisement, announcement, billboard at maging mga post sa social media.

Maraming gamit ang pamagat. Ipinapakilala nito ang isang akda, magpahiwatig kung tungkol saan ang isang balita, pantawag-pansin o magsilbing pagkakakilanlan ng isang babasahin o palabas. May pamagat na simple at madaling maunawaan, malalim, matalinghaga, nagpapatawa, palaisipan o sadyang hindi agad inilalantad ang buong kahulugan. Kung baga sa isang produkto, nagsisilbing tatak ang pamagat. Ito ang tumutulong upang makilala at maibukod ang isang bagay sa iba pang mga babasahin, palabas o materyal.

Ngunit hindi dapat asahan na nasa pamagat na ang lahat-lahat. Kailangang basahin ang buong balita, lathalain, kuwento o sanaysay para malaman ang kabuuang nilalaman. Kailangang panoorin ang buong pelikula o programa para maunawaan ang kuwento.

Nagkakaproblema kapag nagkasya na lang ang isang tao sa pagbabasa sa pamagat at ipinapalagay nang alam na nila ang buong kuwento. Hindi na nila binabasa ang buong artikulo. Hindi na nila tinitingnan ang mga detalye, paliwanag at konteksto. Sa ilang pagkakataon, hindi na rin nila pinanonood ang buong video.

Kapansin-pansin ito sa social media. May mga artikulo at video na mabilis kumalat dahil sa kanilang mga pamagat o caption. May mga nagkokomento at nagbibigay agad ng sariling hatol kahit hindi naman nila nabasa o napanood ang kabuuan. May nagagalit, napapamura, nang-aaway. May humuhusga sa isang tao o pangyayari batay lamang sa ilang salitang nakita sa screen.

Hindi naman laging sapat ang headline para malaman kung ano talaga ang nangyari. Kapag headline lamang ang binasa, maaaring magkaroon ng ibang impresyon ang mambabasa kaysa sa ipinakikita ng buong artikulo. Kaya mahalagang matutong magbasa hindi lamang ng mga salita kundi pati ng konteksto.

Hindi ibig sabihin na kailangang basahin ang bawat bagay na lumalabas sa social media. Walang sinuman ang may sapat na oras para gawin iyon. Ang mahalaga ay huwag agad magbigay ng konklusyon tungkol sa isang bagay na hindi pa naman natin nababasa o napapanood nang buo. Kung ulo lamang ang babasahin at hindi na aalamin ang laman, maaaring mali rin ang maging pagkaunawa. Kaya walang halaga ang ulo kung hindi bubuksan ang laman.

•••••

Email — [email protected]

PELIKULA

TELEBISYON

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with