EDITORYAL — Malaking budget ng DepEd

NAKAKUHA ang Department of Education (DepEd) ng P1.35 trilyon sa 2026 General Appropriations Act (GAA). Kauna-unahan ito sa kasaysayan ng Pilipinas na ang sector ng edukasyon ay napaglaanan ng mahigit apat na porsiyento ng taunang budget. Nilagdaan ni President Ferdinand Marcos ang P6.739 trilyong national budget noong Lunes.
Sinabi ni DepEd Secretary Sonny Angara na gagamitin ang budget para makapagbigay ng may kalidad na edukasyon sa mga kabataan sa buong bansa. Gagamitin din umano ang budget para sa pagpapagawa ng mga eskuwelahan. Mula nang mabulgar ang anomalya sa flood control projects sa DPWH, nilipat na sa DepEd ang pagpapagawa ng mga eskuwelahan. Nagkaroon ng anomalya sa pagpapagawa ng classrooms. Pinagkakitaan ng mga korap na DPWH officials. Ang resulta, laging kapos sa classrooms sa school opening. Kasama rin sa prayoridad ng DepEd ang pag-hire sa mga bago at mahuhusay na guro.
Pinakamahalagang maideliber ng pamahalaan ang may kalidad na edukasyon sa mga kabataan. Nasa krisis ang edukasyon sa Pilipinas. Maraming estudyante ang hindi makaunawa sa simpleng tanong. Mahina sa science, math at reading comprehension.
Noong nakaraang taon, sinabi ng Philippine Statistics Authority (PSA) na 18 million senior at junior high school students na nag-graduate noong 2024 ang hindi marunong bumasa at makaunawa ng kanilang binasa. Dumalo sa hearing ng Senado ang mga kinatawan ng PSA noong 2025 at inilahad ang kagimbal-gimbal na natuklasan. Ayon sa PSA, may mali sa sistemang ipinatutupad sa DepEd. Nabanggit din ang nangingibabaw na korapsiyon sa kagawaran.
Kulelat ang mga estudyanteng Pilipino sa mga kumpetisyon na nilalahukan sa ibang bansa. Sa resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), mababa ang nakuha ng mga Pilipino students sa math, science at reading comprehension. Bagsak din sa creative thinking assessment na isinagawa rin ng PISA.
Ngayong pinakamalaki ang budget ng DepEd, inaasahang mababago na ang sistema sa edukasyon at hindi na magiging kulelat ang mga esudyante. Inaasahang makatatakas na sa kamangmangan ang nakararaming Pilipino. Hindi na aabusuhin ng mga makasarili at korap na pulitiko.
- Latest















