EDITORYAL - Lubos na hustisya para kay Jemboy
KAHAPON, pinalaya na ang mga pulis na sangkot sa pagkamatay ni Jerhode “Jemboy” Baltazar. Sila ay sina Master Sergeant Roberto Dioso Balais Jr., Staff Sergeant Nikko Pines Corollo Esquillon at Patrolman Benedict Danao Mangada. Napagdusahan na umano ng mga pulis ang hatol na limang buwan na pagkabilanggo dahil sa illegal discharge of firearms. Si Staff Sergeant Antonio Balcita Bugayong ay naabsuwelto.
Tanging si Staff Sergeant Gerry Sabate Maliban ang nahatulan ng apat hanggang anim na taong pagkabilanggo dahil sa homicide. Sa kanyang baril umano nanggaling ang bala na pumatay kay Jemboy. Pinagbabayad din siya ng P50,000 para sa moral at civil damages.
Halos madurog ang puso ng mga magulang ni Jemboy sa hatol sa mga pulis. Pinatay nang walang awa ang kanilang anak subalit hindi patas ang hatol. Aapela raw sila sa hukuman. Hindi umano sila titigil hangga’t hindi nakakamit ang hustisya. Ayon sa ina ni Jemboy, sobrang sakit nang nangyari sa kanilang anak.
Maski si Justice Secretary Crispin Remulla ay nagpakita ng pagkadismaya sa hatol sa mga akusado. Ipinag-utos niya ang pagrepaso sa kaso. Pinayuhan naman ng PNP ang mga pulis na mag-ingat sa pagsasagawa ng operasyon. Nararapat daw sumunod sa tamang procedures ang mga pulis upang hindi na maulit ang pangyayari.
Malagim ang nangyari kay Jemboy. Ayon sa report, nasa bangka umano si Jemboy kasama ang kaibigan at naghahanda para sa pagpunta sa laot nang mamataan ng mga pulis at walang anumang pinaputukan. Walang warning shots. Napag-alaman na may body camera ang mga pulis pero hindi ginamit. Maraming tinamong tama si Jemboy sa iba’t ibang bahagi ng katawan particular sa mukha at ulo.
Una nang sinabi ng Navotas police na “mistaken identity” ang nangyari kay Jemboy. Inamin din ng hepe ng anim na pulis na hindi nakipagkoordinasyon ang mga ito sa ginawang drug operation.
Parang manok na pinatay ang 17-anyos na si Jemboy at nang bumagsak sa tubig ay hindi sinagip ng mga pulis. Hindi talaga makatarungan ang hatol at dapat iapela. Marami nang nangyaring ganito lalo noong nasa kainitan ang drug campaign. Binigyan ng lisensiya ang mga pulis para mamaril nang walang patumangga.
- Latest