Teenager sa U.S., namatay dahil sa kinain na maanghang na chichirya!
Isang estudyante sa Massachusetts ang namatay matapos kumain ng chichirya na may dalawa sa pinakamaanghang na sili sa buong mundo!
Sa statement na nilabas ng Worcester public school district, namatay noong Setyembre 1 ang 14-anyos na si Harris Wolobah matapos itong dumaing ng sakit sa tiyan habang nasa kanyang paaralan na Doherty Memorial High School. Agad pinatawag ng school nurse ang magulang ni Harris para sunduin at pauwiin ng maaga.
Ayon sa ina ni Harris na si Lois Wolobah, nawala ang pagsakit ng tiyan ng kanyang anak pagkauwi ng bahay. Ikinuwento raw sa kanya ni Harris na may kinain itong maanghang na chichirya bago makaramdam ng pagsakit ng tiyan.
Ang tinutukoy na chichirya na kinain ni Harris ay ang Paqui Chip, isang American brand ng tortilla chips na may ingredients na Carolina Reaper at Scorpion chili peppers na tinaguriang dalawa sa pinakamaanghang na sili sa buong mundo. Kulay itim ang mismong tortilla nito at nakalagay sa hugis kabaong na box packaging.
Ilang oras matapos iuwi sa bahay, natagpuan na lang si Harris ng kanyang kapatid na walang malay. Isinugod ito sa malapit na ospital ngunit doon na ito binawian ng buhay. Sa kasalukuyan, pending pa ang result ng autopsy sa bangkay ni Harris pero malaki ang hinala ng kanyang pamilya na ang Paqui chips ang dahilan ng pagkamatay nito.
Maraming report sa buong US na sumasakit ang tiyan ng mga kabataang sumusubok sa “One Chip Challenge” isang TikTok challenge na pinauso ng manufacturer ng nasabing chichirya kung saan hinahamon nila ang netizens na videohan ang sarili na huwag uminom ng kahit ano matapos kumain ng Paqui Chips.
Sa ngayon, pinull-out na sa mga pamilihan sa buong U.S. ang Paqui Chips sa desisyon ng manufacturer nito upang maiwasan na may sumunod pa sa nangyari kay Harris.
- Latest