EDITORYAL - Mahal na sibuyas

NAKAKAIYAK ang nangyayaring pagtaas ng presyo ng sibuyas. Umabot na sa P720 ang kilo! Sino ang hindi maiiyak sa presyong ito. Hindi na maganda lalo pa’t sagana ang bansa sa taniman ng sibuyas. Maraming nagtatanim nito lalo sa Hilagang Luzon. Mahirap paniwalaan pero maraming palengke sa Metro Manila ang mahal ang sibuyas. Mas mahal pa ito kaysa sa karne ng baboy. Dati ang inirereklamo ay ang mataas na presyo ng karne pero ngayon, ang sibuyas na ang nirereklamo dahil sa mataas na presyo.
At ang balita pa, maari pa raw tumaas pa ang presyo ng sibuyas sa mga susunod na araw. Ano ba ito? Bakit tila wala nang control ang pamahalaan sa presyo ng sibuyas at kung ano na lang yata ang idikta ng mga nagtitinda ay yun ang sinusunod. Kamakalawa, nag-isyu ang Department of Agriculture (DA) ng price cap sa sibuyas na P250 per kilo. Pero marami pa rin ang umaangal dahil mahal pa rin ito. Nataon pa ang pagmahal sa pagselebra ng Bagong Taon at kailangan ang sibuyas para sa lutuin.
Ang mahal na sibuyas ay karaniwang makikita sa mga palengke sa Las Piñas City, Mandaluyong City at may ilang palengke sa Maynila. Ayon sa mga nagtitinda ng sibuyas sa Mandaluyong market, tumaas ang presyo ng sibuyas dahil nagbabayad daw sila ng P680 sa supplier kada kilo ng sibuyas. Ganito rin ang sinasabi ng ilang nagtitinda ng sibuyas sa Las Piñas City public market. Wala raw silang magawa kaya nagbabayad na lamang sila. Ipinapatong naman nila ang gastos sa presyo.
Nang lomobo ang presyo ng sibuyas una nang nag-advise ang DA sa publiko na huwag bumili ng kilu-kilo at ‘yung ayon lang sa pangangailangan. Yun lang daw kayang bilhin.
Nararapat na alamin ng DA ang dahilan nang pagtaas. Puwede bang basta na lamang tumaas ang sibuyas ng sobra-sobra? Dapat mag-imbestiga ang DA. Isa pa rin sa pinapanukala ng DA ay baka kailangan nang mag-import ng sibuyas ang bansa. Baka ito raw ang solusyon. Dapat bang ganito ang solusyon sa problema ng mahal na sibuyas.
Nakapagtataka rin na habang mataas ang presyo ng sibuyas, bumabaha naman sa mercado ang smuggled na sibuyas. Sunud-sunod ang pagkumpiska ng Bureau of Customs sa mga puslit na sibuyas mula China. Hindi kaya may koneksiyon ito sa pagmahal ng sibuyas. Ginagawang dahilan ang pagmahal ng sibuyas para makapasok nang walang aberya ang mga sibuyas mula sa China. Nakakaiyak na ang problema sa sibuyas.
- Latest















