Pinaka-malaking melon sa mundo, 30 kilo ang bigat
BAGAMA’T naging mabagal ang naging paglaki ng melon (cantaloupe) na pinatubo ni Danny Vester sa kanyang hardin, hindi naman ito naging hadlang para umabot ang bigat sa 30 kilo.
Sa unang tingin ay parang bola na naubusan ng hangin ang melon ngunit tinalo pa nito ang sanggol sa pag-aarugang ibinigay ni Vester.
Hindi raw pinayagan ng retiradong cancer survivor ang kanyang pinakamamahal na melon na masikatan ng araw sa pamamagitan ng pagbabaon ng melon sa ilalim ng makakapal na dahon. Nakuha ni Vester ang buto ng kanyang dambuhalang melon mula sa mga nauna na niyang pinatubong melon na pawang malalaki rin.
Kaya naman walang pagsidlan ng tuwa si Vester nang i-anunsiyo ng North Carolina Agriculture Commissioner Steve Troxler na mas mabigat ng 1 pound ang melon niya kaysa sa pinakamabigat na melon sa mundo na nanggaling sa Alaska.
Nasa 3 pounds ang bigat ng isang karaniwang melon kaya 20 beses na mas mabigat ang pinalaking melon ni Vester.
- Latest