Pinakamahal na pares ng melon sa mundo, naipagbenta sa Japan
ISANG pares ng melon ang naipagbenta sa halagang 3.2 million yen (P1.5 million) sa isang auction sa Japan.
Kompanyang nagbabalot at nagkakahon ng mga prutas ang nanalo sa bidding para sa pinakaunang pares ng Yubari melons na ipinasubasta ngayong taon sa Sapporo Central Wholesale Market na nasa hilagang Hokkaido.
Sapat na ang inabot na presyo ng dalawang melon para ipambili ng bagong kotse. Nahigitan din ng 3.2 million yen na presyo ang dating world record na 3 million yen na naitala dalawang taon na ang nakararaan.
Itinuturing ang mga Yubari melons bilang simbolo ng karangyaan. Kaya naman katulad ng mga mamahaling alak ay madalas itong ipinangreregalo.
Sinasabing ang mga Yubari melons na may pinakamatataas na kalidad ay makinis ang balat at hugis titik “T” ang tangkay nito.
Wala namang dapat ipagtaka sa milyun-milyong presyo na inabot ng pares ng Yubari melons dahil sadyang mahal ang mga prutas sa Japan at ang isang pangkaraniwang mansanas lang doon ay aabot sa 300 yen (P150) ang presyo.
- Latest