Nalinsad ang buto sa balikat
ISANG kakilala ang nakapagkuwento sa akin na ang kanyang teenager na anak na lalaki ay nakararanas ng shoulder joint dislocation. Ibig sabihin, ang mga buto ng braso na nakadugtong sa buto ng balikat ay nawala sa tamang ayos. Nalinsad ang buto. Ang shoulder joint ay isang halimbawa ng “ball-and-socket joint”. Ang dulong pabilog ng buto ng braso ay naka-swak sa socket o lalagyan ng buto sa balikat. Madaling igalaw-galaw ang mga buto sa ating balikat kung kaya’t ito ang madalas magkaroon ng dislocation/pagkalihis kumpara sa ibang mga sugpungan sa ating katawan.
Ano ang sanhi nito? Karaniwan ay isang matinding puwersa na aksidenteng nagawa natin sa ating balikat na sukat mauwi sa dislocation. Dahil sa naturang puwersa, nasisira ang mga ligaments o litid na humahawak sa mga buto. Puwedeng magpaulit-ulit ang pagkakaroon ng shoulder joint dislocation, kahit walang maiturong sanhi, sa isang taong dati nang nagkaroon nito. Hindi lang ang shoulder joint kundi pati ang panga (jaw) natin ang malaki ang panganib na magkaroon ng dislocation.
Madali lang malaman kung na-dislocate ang inyong shoulder joint. Karaniwan kasing wala sa tamang porma ang mga buto sa naturang lugar. Masakit ito, namamaga, iba ang kulay, at hindi maikilos o maigalaw.
Huwag ipagalaw ang naturang dislocation kung hindi ka nakasisiguro sa gagawa nito. Baka lalong mapasama kung may kasama pa pala itong bali o fracture. Ingatan ang bahaging ‘yun ng katawan at agad magtungo sa isang klinika o ospital. Hayaang ang doctor ang tumingin dito at eksaminin kung kakailanganing operahan ang naturang joint.
Huwag munang kakain o iinom sapagkat baka kailanganing gawin ang isang operasyon. Hindi puwedeng nakakain kung sasailalim sa general anesthesia ang pasyente. Ipapa-X-ray ang naturang lugar upang makita ang sakop na damage nito.
Paano gagamutin ang nakakaranas ng shoulder joint dislocation?
May pagkakataong kayang isauli ng pasyente ang nagkahiwalay na buto sa balikat at braso
Sa loob ng 15-30 minuto matapos ma-dislocate ang joint, puwedeng mamaga at kumirot ito kung kaya’t baka gawin sa ilalim ng general anesthesia ang pagsasauli
Kung hindi naman nagalaw ang buto at ugat sa naturang lugar, puwede itong lagyan ng brace sa loob ng 2-3 linggo para makuhang gumaling din ng iba pang tissue na na-damage rin
Hayaang ang doctor ang magsabi kung kailan puwedeng gamitin ulit ang naturang bahagi ng katawan
Maaaring kailanganin din ang physical therapy sa naturang lugar
Posible ang operasyon lalo na kung nanghina ang joints dahil sa paulit-ulit na dislocation
- Latest















