^

Ubo: Baka mauwi sa pulmonya

DOCTOR’S TOUCH - Dr. Luis Gatmaitan M.D (Pang-masa) - December 14, 2013 - 12:00am

MARAMI na naman ang nagkakasakit: sinisipon, inuubo, nilalagnat, namamalat. Nandiyan na naman ang takot natin sa sakit na pulmonya. “Na-pulmon”, ganyan ang lagi nating naririnig kapag dinapuan na ng pulmonya. Sa mga sanggol at bata, naririnig din natin ang terminong bronchopneumonia. Pulmonya ang Tagalog term natin sa pneumonia. Ano ba talaga ang pulmonya?

Ang pulmonya ay isang kondisyon kung saan ang kabuuan ng baga ay nababalutan na ng plema. Kapag nangyari ito, hindi na epek­tibo ang exchange ng oxygen at carbon dioxide sa baga. Nahahadlangan na ang oxygen na makapunta pa sa sirkulasyon ng dugo. Kaya nahihirapang huminga ang taong dinapuan ng pulmonya.

Iba-ibang mikrobyo ang sanhi ng pulmonya. Puwedeng dulot ito ng bacteria, virus, fungus, o parasite. At depende rin sa organismong sanhi ng pulmonya ang magiging batayan ng gagawing gamutan.

Kadalasan, nagsisimula ang pulmonya kapag nalanghap natin nang di-sinasadya ang organismo sa ating baga. Pero posible rin na ang mikrobyo ay dinala sa baga sa pamamagitan ng sirkulasyon ng dugo. O kung nakapasok ang mikrobyo sa baga dahil may impeksyong di-kalayuan sa baga.

Posible ring sundan ng pulmonya ang isang katatapos lang na ope­rasyon (lalo na yung operasyon sa dakong tiyan) o kung nagkaroon ng trauma sa dibdib. Bakit? Ito’y sapagkat sa mga pagkakataong ganito, hindi mabisa ang kakayahan nating huminga, umubo, o maglura ng plema. Nagtutulong-tulong ito para maipon sa baga ang plemang dulot ng mga mikrobyo.

Kasama rin sa mga taong mataas ang panganib na magka-pulmonya ang mga taong bedridden (‘yung nakahiga na lang halos dahil sa karamdaman), paralisado, walang malay, at mga sobrang hinang-hina ang pakiramdam.  Ito’y dahil depektibo rin ang kanilang kakayahang umubo o ilabas ang plema  o mababaw lamang ang ginagawa nilang paghinga.

Minsan din, may pulmonyang nangyayari kapag may ilang piraso ng pagkain/inumin mula sa bibig na aksidenteng nalanghap patungo sa baga. “Aspiration pneumonia” ang tawag dito. Ito ang iniiwasan natin sa mga taong bedridden na kailangang pakainin sa pamamagitan ng tubo (tube feeding) o kung pinakakain sila ng “osteorized feeding” habang nakahiga.

Ubo na may plema ang pinaka-karaniwang sintoma ng pulmonya. Pero huwag ipagkamaling kapag inubo tayo ng may plema ay pulmonya na agad. Puwedeng simpleng kaso lamang ito ng Respiratory Tract infections (RTIs). Pero kung medyo matagal na ang ubo at may kasama na itong paglalagnat, pangingiki (chills), pananakit ng dibdib, at pangangapos ng hininga, puwedeng mag-isip ng pulmonya.

ANO BAGA BAKIT PERO PULMONYA PUWEDENG RESPIRATORY TRACT
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with