‘TUPAD Tuloy Pasada’ program, larga na - DOLE
MANILA, Philippines — Upang mabigyan ng karagdagang kita ang mga jeepney drivers na apektado ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo ay inilarga na kahapon ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kanilang “TUPAD Tuloy Pasada” program
Aniya, ang TUPAD Tuloy Pasada ay bahagi ng pagsusumikap ng DOLE na maibsan ang epekto ng fuel price hikes sa mga tsuper ng public utility vehicles (PUVs).
Sa ilalim ng programa, inisyal na 134 jeepney drivers na bumibiyahe sa mga piling ruta sa Metro Manila ang makakatanggap ng tulong na P695 kada araw na katumbas ng minimum wage sa rehiyon.
Ang halagang ito ay bukod pa sa regular na kita ng mga benepisyaryo mula sa pang-araw-araw na operasyon.
Ayon sa DOLE, ang mga benepisyaryo para dito ay tinukoy sa pamamagitan ng profiling at balidasyon na kanilang isinagawa at ang inisyal na listahan nito ay mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at bawat kuwalipikadong driver ay tatanggap ng tulong sa loob ng 30-araw.
Ang mga tsuper na hindi pa kasama sa programa ay maaaring mag-aplay sa pinakamalapit na tanggapan ng DOLE at magprisinta lamang ng balidong professional driver’s license.
Tiniyak rin ng DOLE na palalawigin pa nila ang programa sa labas ng Metro Manila at target anila nilang masuportahan ang nasa 50,000 drivers sa buong bansa.
- Latest




















