Residente ng Dasmariñas Village kakasuhan ng assault
MANILA, Philippines — Isang residente ng Dasmariñas Village sa Makati City ang mahaharap sa patung-patong na kaso nang pumalag ito sa pag-aresto ng pulis na nanita sa hindi pagsusuot ng facemask ng kanyang kasambahay, sa labas ng kanyang bahay, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Javier Salvador Parra na nakatakdang sampahan ng reklamo sa paglabag sa Republic Act 151 (Disobedience to a Lawful Person in Autho-rity), unjust vexation, Direct Assault, R.A. 11332 (State of Public Health Emergency at Makati City Ordinance 2000-089 (Not wearing Face Mask)
Damay din sa kasong paglabag sa RA1132 at City Ordinance dahil sa hindi pagsusuot ng facemask ang kasambahay ni Parra na si Cherilyn Escalate.
Kasunod na rin ito ng kautusan ni Makati Mayor Abby Binay na imbestigahan ang insidente na trending ngayon ang video sa Facebook na makikitang isang pulis at isang village resident ay inaaresto habang hindi nakasuot ng face mask.
Nabatid na ang nasabing pulis ay si P/Staff Master Sergent Roland Van Madrona at Bantay Bayan member na si Esteban Gaan ng Brgy. Dasmariñas.
Sa imbestigasyon, alas- 5:54 ng hapon nitong Linggo nang pasukin ng nasabing pulis at Bantay Bayan ang Dasmariñas Village sa kahilingan ng Punong Barangay na si Rosana Hwang para magsagawa ng Oplan Bandillo kaugnay ECQ. Nadaanan ang kasambahay na si Escalate na nagdidilig ng halaman sa labas ng bahay sa 1657 Dasmariñas Avenue nang walang suot na face mask kaya’t sinabihan ito na magsuot ng face mask at pumasok sa bahay. Ilang sandali ay lumabas naman si Parra at maybahay nito at kinompronta ang pulis at tinuruan sa kung paano ipatutupad ng ECQ.
Nang mapansin ni Parra na nagvi-video ang Bantay Bayan ay nagalit at kung anu-anong maanghang na salita ng pinakawalan laban sa pulis kaya nilapitan siya at tinangkang arestuhin, subalit nakawala ito at pumasok sa kaniyang bahay.
- Latest