Drug bust: Spanish trader napatay
MANILA, Philippines — Napatay ng mga pulis ang isang negosyanteng Kastila na hinihinalang notoryus na tulak ng cocaine matapos na kumasa sa mga operatiba ng pulisya nang mauwi sa shootout ang buy bust operation, kamakalawa sa General Luna, Siargao Island, Surigao del Norte.
Ang napatay na suspek ay kinilalang si Diego Lafuente nasa drug watchlist bilang high value target (HVT) ng Caraga Police.
Batay sa ulat, dakong ala-1:50 ng madaling araw nang magsagawa ng buybust operation ang mga otoridad sa bahay ng suspect sa Brgy. 3 ng bayang nabanggit.
Nakipag-deal ang suspek sa poseur buyer at habang nag-aabutan na ng droga ay nakahalata ang suspect na pulis ang kaniyang ka-transaksyon kaya’t agad na binunot ang cal .45 pistol nito at nagpaputok.
Nagmintis sa unang putok ang suspect at mabilis namang gumanti ng putok ang mga kasamahang pulis ng poseur buyer at napatay ang una.
Bukod sa 10 gramo na nabili ng poseur buyer at P30,000 na buybust money ay nakakuha pa ng 15 gramo ng cocaine ang pulisya sa nasawing suspect.
Nabatid na si Lafuente ay nag-ooperate ng party house at apparel shop gayundin ng isang accommodation business na lahat ay sa bayan ng General Luna.
- Latest