3 katao utas sa clan war
MANILA, Philippines — Todas ang tatlong magkakamag-anak nang sila ay pagbabarilin na pinaniniwalaang mula sa mga kalabang angkan sa naganap na ambush sa national highway ng Brgy. Limbayong, Sultan Kudarat, kamakalawa ng hapon.
Ang mga nasawi dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay kinilalang sina Mike Ibad, 57; Nhor Talib, 34; at Toton Ibad; pawang mga residente ng Brgy. Namnama ng bayan ng Limbayong.
Sa ulat, sinabi ni Police Lt. Col. Lino Capellan, Spokesman ng Police Regional Office (PRO) 12, bago nangyari ang pananambang, bandang alas-4:00 ng hapon ay lulan ng tricycle ang tatlong biktima at binabagtas ang national highway ng Brgy. Maligaya nang pagbabarilin ng dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo.
Isa sa mga biktima ang nagtangka pang tumakas pero hinabol ito ng mga suspek at muling pinagbabaril hanggang sa tuluyang duguang bumulagta.
Mabilis na nagsitakas patungo sa hindi pa malamang destinasyon ang mga suspek.
Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol na ginamit sa pamamaslang.
- Latest