Ex-Malaysia Deputy PM hanga kay Rizal at Erap
MANILA, Philippines — Personal na tinanggap ni dating Malaysia Deputy Prime Minister Dato Seri Anwar Ibrahim ang iginawad na parangal ng mataas na pagkilala ng Pamantasang Lungsod ng Maynila (PLM).
Pinangunahan nina Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada, PLM President Dr. Lenny De Jesus, at Board of Regents ng PLM na sina Atty. Bienvenido E. Laguesma, Dr. Benjamin Espiritu, Ms. Wilma V. Galvante, at Atty. Ramon S. Bagatsing, Jr. ang paggawad ng honorary degree Doctor of Laws (honoris causa) kay Anwar na ginanap sa PLM Auditorium.
Sa kanyang talumpati,pinasalamatan ni Anwar ang kanyang kaibigan na si Estrada na inamin na malaki ang kanyang paghanga sa alkalde hindi lamang dahil magaling itong aktor kundi may “puso” at malasakit sa mga mahihirap.
Nakikita niya sa mga programa at proyekto ni Estrada bilang alkalde ng Lungsod ng Maynila ang kanyang pagmamahal sa mga mahihirap tulad na lamang ng programa nitong “from womb to tomb” kung saan sagot lahat ng lokal na pamahalaang lungsod ang pangangailangan ng Manilenyo lalo na ang mga maralita mula sa kanilang pagsilang hanggang sa kanilang pagtanda at kanilang kamatayan.
Ibinahagi rin ni Anwar ang kanyang karanasan nang makulong umano siya ng anim na taon kung saan nabasa nito ang ilang aklat na isinulat ng ating Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal na kanya ring hinangaan.
Ang pagbibigay ng honorary degree Doctor of Law kay Anwar ay dahil sa kanyang pagkilala sa rule of law at paglaban sa korapsyon sa kanilang bansa.
- Latest