5 Abu patay sa rescue ops
MANILA, Philippines — Napatay sa isinagawang rescue operation ng tropa ng pamahalaan ang limang miyembro ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) nang makasagupa ang tropa ng pamahalaan kamakalawa sa Bud Bawis, Panamao, Sulu.
Sa ulat ni Joint Task Force (JTF) Sulu Commander Brig. Gen. Cirilito Sobejana, dakong alas-4:30 ng madaling araw ay nagsasagawa ng rescue operation ang tropa ng Philippine Marines-Marine Battalion Landing Team (MBLT) 3 sa nasabing lugar nang makasagupa ang 30 bandidong kidnaper na mga tauhan nina Abu Sayyaf Sub-leader Sansibar Bensio at Hatib Munap Binda.
Hindi nakaya ng mga bandido ang puwersa ng tropa ng pamahalaan kaya’t napilitang magsitakas at inabandona ang mga napaslang nilang limang kasama.
Narekober sa pinangyarihan ng bakbakan ang apat sa bangkay ng mga napatay na bandido at isang M14 rifle na gamit ng isa sa mga ito habang ang isa pang napaslang ay nabitbit ng mga nagsitakas nilang kasamahan base na rin sa pahayag ng mga tipster na sibilyan sa lugar.
Patuloy ang search and rescue operations ng tropang gobyerno sa nalalabi pang mahigit 10 pang bihag ng Abu Sayyaf Group.
- Latest