Binata ipinaaresto ng dating nobya
MANILA, Philippines — Naaresto ng mga pulis sa isang entrapment operation ang 28-anyos na lalaki makaraang magbanta sa kanyang dating nobya na ipo-post sa Facebook ang hubad nitong larawan at video kamakalawa sa Malabon City.
Ang suspek ay kinilalang si Jaymar Gozon, 28, binata, ng no. 111 D.C. Bauza St., Brgy. Bagumbayan South, Navotas City.
Batay sa ulat, bago nangyari ang pag-aresto sa suspek ay dumulog sa Malabon City Police ang biktimang si Camille Atienza, 25, para ireklamo ang una na nagbabanta na ipo-post nito ang hubad niyang larawan kung hindi siya makikipagkita.
Nagplano ng entrapment operation ang mga tauhan ng Police Community Precinct 6 at nakipagkasundo si Atienza kay Gozon na makikipagkita.
Hindi na nakapalag si Gozon nang dakpin ng mga pulis sa loob ng isang fastfood chain sa may Rizal Ave., Brgy. Tañong, Malabon at kinumpiska sa kanyang cellphone kung saan naka-store ang mga hubad na larawan at videos ng biktima.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 at grave coercion.
- Latest