Rescue OPS: 5 abu utas
MANILA, Philippines - Napatay ng mga sundalo ang limang bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) na sangkot sa kidnapping for ransom habang 11 namang sundalo ang nasugatan sa isang sagupaan sa isang rescue operation upang iligtas ang nalalabi pang mga hostages sa Indanan, Sulu kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ni Lt. Gen. Carlito Galvez, Commander ng AFP-Western Mindanao (AFP-Westmincom) bandang alas-5:15 ng hapon nang magsagawa ng pinaigting na operasyon ang tropa ng Joint Task Force (JTF) Sulu sa ilalim ng superbisyon ni Col. Cirilito Sobejana laban sa grupo ng mga bandidong may hawak sa mga bihag sa bisinidad ng kagubatan sa Brgy. Bud Taran, Indanan.
Habang tinutugis ang mga bandido ay nakabakbakan ng 2nd Scout Ranger Battalion ng JTF Sulu ang grupo Abu Sayyaf at sa palitan ng putok ay napatay ang limang bandido habang 11 ang nasugatang sundalo.
“All the wounded soldiers were promptly evacuated to Kuta Heneral Teodulfo Bautista Hospital and were immediately given medical attention”, ayon pa sa opisyal.
Patuloy ang opensiba ng Joint Task Force Sulu laban sa Abu Sayyaf upang mailigtas ang hawak nilang 31 bihag matapos ang ginawang pagpugot sa Aleman na si Juergen Gustav Kantner noong nakalipas na Pebrero 26 bunga ng kabiguang magbayad ng P 30-M ransom.
- Latest