Fiberxers sadsad sa Fuel Masters
MANILA, Philippines — Dinagit ng Phoenix ang Converge, 113-107, upang makabalik sa winning column at manatiling nasa playoff contention sa 2024 PBA Philippine Cup kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Maalat ang naging simula ng Fuel Masters bago lumipat sa third quarter tungo sa tagumpay para maputol ang two-game losing skid at umangat sa 2-4.
Anim na players ang bumirada ng double digits sa pangunguna ni veteran big Jason Perkins na kumamada ng 26 points, 13 rebounds at 4 assists.
Nag-ambag ng 17 at 16 points sina rookies Ricci Rivero at Ken Tuffin, ayon sa pagkakasunod, habang may tig-11 markers sina Matthew Daves at Javee Mocon.
May 10 points, 8 assists at 3 steals si Jayjay Alejandro para kumpletuhin ang balanseng atake ng Fuel Masters.
Tabla sa 50-50 ang dalawang koponan sa halftime bago nagpakawala ng isang 36-23 ratsada ang Phoenix.
Lumamang sila ng hanggang 18 puntos at hindi na pinaporma pa ang Converge.
Laglag sa 0-7 kartada ang FiberXers sa kabila ng halimaw na 32 points at 16 rebounds ni center Justin Arana at may 31 markers si Alec Stockton.
Samantala, tuluy-tuloy ang aksyon sa PBA ngayon sa pambihirang pagkakataon tampok ang dalawang laban sa magkahiwalay na venue sa Caloocan Sports Complex at sa Candon City Arena sa Ilocos Sur.
Magpapambuno ang Terrafirma (4-4) at Rain or Shine (3-4) sa alas-3 ng hapon sa Caloocan City at magsasagupa sa alas-6:15 ng gabi sa Candon City ang TNT (3-3) at NLEX (5-1).
- Latest