No. 1 spot sa West inangkin ng Nuggets
DENVER — Inilista ni Nikola Jokic ang kanyang pang-20 career 40-point game matapos banderahan ang nagdedepensang Nuggets sa 116-107 panalo sa Minnesota Timberwolves.
Tumapos si Jokic na may 41 points, 11 rebounds at 7 assists para sa pag-angkin ng Denver (56-24) sa top spot sa Western Conference.
Hindi nakaiskor si Anthony Edwards sa fourth quarter sa panig ng Minnesota (55-25) at nagtala ng 25 points.
Lumamang ang Timberwolves sa first hanggang third period bago ang 9-1 atake ng Nuggets para agawin ang 83-80 bentahe papasok sa fourth quarter na kanilang dinomina.
Sa Miami, kumolekta si Luka Doncic ng 29 points, 9 rebounds at 9 assists para sa 111-92 paggiba ng Dallas Mavericks sa Heat at angkinin ang Southwest Division title.
Ito ang ika-16 panalo ng Dallas (50-30) sa huling 18 laro at haharapin ang Los Angeles Clippers sa first round ng Western Conference playoffs.
Sa Oklahoma City, umiskor si Shai Gilgeous-Alexander ng 26 points sa 127-89 paggupo ng Thunder (55-25) sa Victor Wembanyama-less San Antonio Spurs (20-60).
Sa Los Angeles, humataw si Devin Booker ng 37 points sa 124-108 pagsunog ng Phoenix Suns (47-33) sa Clippers (51-29).
Sa Milwaukee, kumubra si Bobby Portis ng 30 points sa 117-99 pagsuwag ng Giannis Antetokounmpo-less Bucks (49-31) sa Orlando Magic (46-34).
- Latest