Sotto inilabas ang bangis
MANILA, Philippines — Hindi pa masaya si Kai Sotto sa ipinamalas na performance para sa Gilas Pilipinas sa unang salang sa FIBA Asia Cup 2025 Qualifiers kamakalawa ng gabi kontra sa Hong Kong sa Tsuen Wan Stadium.
Starter kaagad ang 7-foot-3 center para kay coach Tim Cone at hindi niya ito binigo sa paghakot ng 13 points at 15 rebounds tampok ang mga dakdak patungo sa 94-64 tagumpay ng Nationals at kanyang pagbabalik simula noong 2023 FIBA World Cup.
“I think iyon ang expected sa akin na i-produce ko, so iyon ang nangyari. Happy na nanalo pero sabi nga ni coach Tim, this game is more of a test for us,” wika ng 21-anyos na big man na sinolo ang frontline ng Gilas dahil sa injury nina June Mar Fajardo at AJ Edu.
“Kahit naman nandoon sila, kahit wala sila, same pa rin iyong mentality ko, to just work hard pagdating sa court. Ibibigay ko iyong lahat ng makakaya ko. Start ako sa defense and rebounding,” ani Sotto.
Huling pumarada si Sotto para sa Gilas noong FIBA World Cup tampok ang maalat na 6.0 points at 4.0 rebounds dahil sa iniindang back injury noon.
Ngayong healthy na ulit ang pambatong sentro ng Pinas ay ipapakita niya ang kanyang bangis kontra sa Chinese Taipei bukas sa Philsports Arena sa Pasig City.
“Mas challenging iyong Taiwan so I think this game will really help us pagdating sa next game. Paghahandaan pa namin more pagdating sa Pilipinas. Excited ako na makalaban iyong Taiwan, they’re a better team. Looking forward to it,” ani Sotto.
Bukod sa Chinese Taipei at Hong Kong, kasama rin ng Gilas sa Group B ang New Zealand na sa susunod na window na nila makakaharap.
- Latest