Cone ‘di kuntento sa ipinakita ng Gilas
MANILA, Philippines — Hindi kuntento si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone sa inilaro ng kanyang mga bataan, partikular na sa unang bahagi ng laro kontra sa Hong Kong noong Huwebes ng gabi sa Tsuen Wan Stadium.
Matikas na tinapos ng Gilas Pilipinas ang Hong Kong sa bisa ng 94-64 demolisyon sa kanilang unang asignatura sa FIBA Asia Cup Qualifiers 2025.
Subait hindi ito naging madali para sa Gilas Pilipinas sa umpisa ng laro.
Lumamang ng 11 puntos ang Gilas Pilipinas subalit nakabalik sa porma ang Hong Kong para maidikit ang iskor.
“We didn’t play as well as we hoped. The first half was certainly shaky, just first game jitters, I hope,” ani Cone.
Hawak lamang ng Gilas Pilipinas ang 41-37 kalamangan sa halftime.
Subalit lumabas na ang bangis ng Gilas Pilipinas sa third quarter nang magpasabog ito ng kaliwa’t kanang atake sa likod ng matikas na laro nina Scottie Thompson at Kai Sotto.
Si Thompason ang nagmando sa plays, habang hawak naman ni Sotto ang rebounding department.
Nagpasiklab din sina Justin Brownlee, Dwight Ramos at Jamie Malonzo nang ilatag ng tropa ang 30-9 ratsada na naging mitsa para tuluyang patumbahin ang Hong Kong.
“The third quarter was more on what we expected. We were able to create offense off our defense and then our crowd took over and gave us momentum,” ani Cone.
Umaasa si Cone na first game jitters lamang ito at magandang lesson para sa kanilang mga susunod na laban.
“The win was a baby step for us, we hope to be much better in the future,” ani Cone.
- Latest