Carlos, Molde kailan babalik?
Chris Co (Pang-masa) - April 18, 2019 - 12:00am

MANILA, Philippines — Wala pang kasiguruhan kung magbabalik sina ace spikers Diana Mae Carlos at Isa Molde sa kampo ng University of the Philippines sa susunod na season ng UAAP women’s volleyball tournament.

Hindi pa makapagdesisyon sina Carlos at Molde ilang araw matapos yumuko ang UP sa National University (21-25, 24-26, 25-17, 25-23, 15-17) dahilan upang mabigong makausad sa Final Four ang Katipunan-based squad.

“Hindi ko pa alam (kung makakalaro pa ako next season) kaya no comment na lang muna,” wika ni Carlos na kandidato sa Best Opposite Hitter award.

Umiwas din si Molde sa tanong na tanging naisagot lamang ay “secret, next question.”

Base sa UAAP rule, parehong may tig-isang taon pang gugugulin sina Carlos at Molde na kapwa nasa fourth-year playing eligibility.

Dismayado ang Lady Maroons na nahulog sa 6-7 rekord na naging daan upang awtomatikong umusad sa Final Four ang University of Santo Tomas (9-4) at Far Eastern University (8-5) kasama ang early semifinalists na Ateneo de Manila University (10-2) at De La Salle University (9-3).

“Disappointed ako dahil wala akong laro kaya nadisappoint ako sa sarili ko not sa team,” ani Molde na nagtala lamang ng siyam na puntos laban sa Lady Bulldogs – malayo sa kaniyang double-double showing sa kanilang nakalipas na laro.

Nais ng UP na kalimutan na ang nangyari at muling simulan ang panibagong yugto ng kanilang kampanya.

“Move on na kami, tatapusin na lang namin yung last game namin then we will begin a new chapter na,” ani Carlos.

Pakay ng Lady Maroons na magkaroon na lamang ng engrandeng pagtatapos ang kanilang kampanya sa season na ito sa pakikipagtipan sa Adamson University sa Abril 27.

Bago magsimula ang season, paboritong makapasok sa finals ang Lady Maroons matapos pagreynahan ang dalawang pre-season tournaments – ang Philippine Superliga Collegiate Grand Slam at Premier Volleyball League Collegiate Conference noong nakaraang taon.

DIANA MAE CARLOS ISA MOLDE
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with