NU, UST pasok sa finals ng UAAP Jrs. volleyball
MANILA, Philippines — Magsasagupa sa ikalimang sunod na taon ang 3-time girls champion National University at University of Santo Tomas sa Finals pagkaraang mamayani sa kani-kanilang Final Four matches sa UAAP Season 80 high school volleyball tournament noong weekend sa Filoil Flying V Centre.
Pinataob ng Lady Bullpups ang first-time semifinalist Far Eastern University-Diliman, 25-27, 25-11, 25-15, 25-23 habang iginupo naman ng Junior Tigresses ang La Salle-Zobel, 25-21, 24-26, 25-18, 25-16.
Uumpisahan ang best-of-three series ng NU at UST sa Nobyembre 27 sa naunang nabanggit na venue sa San Juan City.
Dahil sa kabiguan, tumapos na pangatlo ang Junior Lady Spikers at pang-apat naman ang Baby Tamaraws.
Samantala sa boys division, nakatungtong ang FEU-Diliman sa unang pagkakataon sa Finals matapos talunin ang fourth-ranked University of the East, 22-25, 25-23, 28-30, 25-17, 15-12.
Nagsimula lamang lumahok noong Season 77 ang Baby Tamaraws na nagtala ng 12-2 record sa pagtatapos ng eliminations.
Sa isa pang laban, nakapuwersa naman ng do-or-die game ang titleholder NU matapos talunin ang second-ranked UST, 25-16, 25-21, 17-25, 26-28, 15-11.
Idaraos ang duwelo ng Tigercubs at Bullpups sa darating na Miyerkules.
- Latest