Adamson humirit ng rubber match sa UP

MANILA, Philippines — Nagsanib puwersa sina Frances Mordi at Shaina Nitura upang akbayan ang Adamson University sa panalo matapos walisin sa tatlong sets ang may tangan na twice-to-beat advantage na University of the Philippines, 25-20, 25-17, 26-24, sa quarterfinals ng 2026 Shakey’s Super League (SSL) Unity Cup na nilaro sa Muntinlupa Sports Center, kahapon.
Nagtala ng krusyal na pinagsamang 15 puntos sina Mordi at Nitura sa third set upang ihirit ang Lady Falcons ng rubber match at manatiling buhay ang tsansa sa asam na korona.
Malaking tulong din sa panalo ng Adamson ang nagbalik ni setter Fhei Sagaysay, galing ito sa pagpapagaling sa kanyang ankle injury.
“Siyempre, twice-to-beat ‘yung UP. Mahirap talaga sa part namin na kailangan namin silang talunin ng dalawang beses. Ang kailangan lang naming gawin ay maging composed kami para sa next game namin and more effort pa sa naging outcome ngayon,” ani Sagaysay.
Umiskor si Mordi ng 15 puntos, 10 ay galing sa ikatlong set, mula sa 12 attacks, dalawang blocks, at isang service ace, habang nagtapos naman si Nitura na may siyam na puntos mula sa 9-of-22 spiking clip para sa Lady Falcons, na nakabawi sa kanilang pagkatalo laban sa UP noong group stage sa ligang suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, at R&B Milk Tea.
Sa ikalawangg laro, pinatalsik ng Far Eastern University ang Ateneo de Manila University, 25-18, 19-25, 25-15, 25-13, at makapasok sa Final Four.
- Latest



















