Farm Fresh nakawala sa PLDT

MANILA, Philippines — Tinapos ng Farm Fresh ang three-game winning streak ng PLDT matapos itakas ang 20-25, 25-17, 23-25, 25-20, 17-15 panalo sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nagpasabog si Trisha Tubu ng game-high 30 points, habang may 14, 12 at 11 markers sina Royse Tubino, Mylene Paat-Rezanova at Ces Molina, ayon sa pagkakasunod.
Ang back-to-back wins ng Foxies ang nagtaas sa kanilang baraha sa 4-2 para solohin ang third spot at palakasin ang tsansa sa semifinals.
Nagtala si Fil-Am setter Alohi Robins-Hardy ng 23 excellent sets para sa kanilang opensa at naglista si libero Maicah Larroza ng 21 excellent receptions para sa tropa ni Japanese mentor Koji Tsuzurabara.
“We became better after every fifth-setter we played in. The performance, skills, and the mental aspect all improved. Everyone had a good performance,” ani Tsuzurabara.
Nagbalik sa bench si coach Rald Ricafort matapos mawala sa tatlong sunod na laro ng High Speed Hitters na nahulog sa 3-3 marka katabla ang Akari Chargers at Choco Mucho Flying Titans sa fourth place.
Binanderahan ni Fil-Canadian Savi Davison ang PLDT sa kanyang triple-double na 23 points, 23 excellent digs at 19 excellent receptions, habang may 13 markers si Jovelyn Prado.
Humirit ng fifth set ang Foxies matapos agawin ang 25-20 panalo sa fourth frame sa likod nina Tubu, Paat-Rezanova at Molina.
Si Tubu ang nagbangon sa Foxies mula sa 10-13 pagkakaiwan sa fifth set para sa kanilang 14-13 match point bago itinabla ni Kim Kianna Dy ang High Speed Hitters sa 14-14.
Nagpalitan ng puntos sina Tubu at Davison para muling magtabla ang dalawang koponan sa 15-15.
Ang magkasunod na atake nina Tubu at Tubino ang tuluyan nang sumelyo sa panalo ng Farm Fresh kontra sa PLDT.
- Latest


















