Arellano babangon kontra Baste
MANILA, Philippines — Magsasanib puwersa sina Renzo Abiera at King Vinoya upang ibalik sa porma ang Arellano University na kakalabanin ang naghihingalong San Sebastian College-Recoletos sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament na lalaruin sa Playtime FilOil sa San Juan City ngayong araw.
Magsisimula ang barugan ng Chiefs at Stags sa alas-3 ng hapon, sunod ang bakbakan sa pagitan ng Jose Rizal University Heavy Bombers at Mapua University Cardinals sa alas-5 ng hapon.
Galing sa nakadidismayang pagkatalo ang Chiefs sa huli nilang laban kontra Letran, 77-91 kung saan ay buong laro silang dinomina ng kanilang katunggali.
Sina Abiera at Vinoya ang umakbay sa Arellano sa opensa matapos magtala ng 20 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod pero kinapos pa rin sila sa Letran.
Inaasahang tutulong kina Abiera at Vinoya sa opensa sina Ernest Geronimo at T-Mc Ongotan kaya paniguradong itotodo ng Chiefs ang kanilang lakas para masikwat ang inaasam na panalo.
Subalit tiyak na mapapalaban ng todo ang Chiefs bago makuha ang panalo sa Stags dahil uhaw ang huli sa panalo.
- Latest






















