Converge diretso sa ika-4 sunod

MANILA, Philippines — Panibagong araw, panibagong tambakan.
Converge naman ang rumelyebo sa pagboldyak sa guest team Macau, 162-108, upang makatabla sa tersera puwesto ng PBA Season 50 Governors’ Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Kumaripas sa 41-19 simula ang FiberXers at hindi na lumingon patungo sa 54 puntos na panalo kontra sa Giant Pandas na nalasap ang ikatlong tambak na kabiguan tampok ang 50 puntos o higit pa ngayong conference.
Sinundan ng FiberXers ang 138-78 panalo ng NLEX at 142-87 tagumpay ng reigning champion TN Tropang 5G sa guest squad.
Sa kabuuan, ang 54-point win ng Converge ang ikaapat na pinakamalaki sa 50-taong kasaysayan ng Asia’s first pro league tampok din ang 151-95 panalo ng Rain or Shine kontra sa Blackwater noong nakaraang Commissioner’s Cup.
Angat sa 7-4 ang mga bataan ni head coach at Pampanga Vice Governor Dennis “Delta” Pineda kasalo ang TNT papasok sa huling duwelo nila bukas para matukoy ang final rankings sa Group A kasama ang kumpletong cast ng NLEX (9-2) at San Miguel (8-3).
“It’s a very important game on Sunday kaya binigya namin ng kumpiyansa lahat ng players ngayon,” ani Pineda.
Isa lang ang hindi nakaiskor sa 15 manlalaro ng Converge sa pangunguna ni import Cameron Clark na may 32 points.
Nagliyab sa 49 points si Kobey Lam tampok ang apat na tres at tatlong 4-pointers subalit kapos pa rin para sa Giant Pandas (2-10).
- Latest
















