Blazers nagpasolido sa liderato
MANILA, Philippines — Tumibay ang kapit ng College of Saint Benilde sa tuktok ng team standings matapos nilang paluhurin ang Arellano University, 94-82, kagabi sa Season 102 ng NCAA men’s basketball tournament na nilaro sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nahirang na Best Player of the Game, bumira si Justine Sanchez ng 17 points, walong rebounds at limang assists upang tulungan ang Blazers na ikahon ang four-game winning streak at ilista ang 6-1 karta.
“Nagtulung-tulong lang talaga kami, alam naman namin sa sarili namin ay kaya namin ito, malaking bagay yung paglead ko sa kanila, yung pakikipag-usap ko sa kanila,” ani Sanchez.
Matindi ang ipinakitang laro ng Arellano sa unang dalawang quarters kaya naman nahihirapan na makaungos ang CSB.
Lamang ang Arellano ng isang puntos sa first canto, 26-25 pero bahagyang uminit ang kanilang opensa sa second period para ilista ang six-point lead, 48-42 sa halftime.
Inagaw ng Blazers ang bentahe sa third period nang ilista nila ang 73-70 papasok ng fourth canto.
Nagpatuloy ang mainit na opensa ng CSB sa payoff period nang hawakan nila ang 11 puntos na bentahe, 83-72 matapos ang split free throws ni SJ Moore may 5:25 minuto pa sa orasan.
Samantala, nagwagi ang Jose Rizal University kontra San Sebastian College-Recoletos, 102-78 para ilista ang 5-1 karta at upuan ang second spot sa Group A sa team standings.
Kumana si Lawrence Mangubat ng 20 points, walong assists at tatlong steals para sa Heavy Bombers na ipinalasap sa Stags ang pang pitong sunod na kabiguan.
- Latest



















