Eala reresbak sa wuhan open

MANILA, Philippines — Reresbak si Alex Eala sa Wuhan Open kung saan inaasahang mabibiyayaan ito ng first-round bye sa torneong lalarga sa Oktubre 12 hanggang 18 sa Wuhan, China.
Magkakaroon ng bye ang Top 32 players sa torneo.
Kasalukuyang nasa No. 18 si Eala sa WTA rankings kung saan inaasahang makukuha nito ang No. 18 seed o No. 19 seed sa oras na ilabas ang draw sa torneo.
Target ni Eala na makaresbak sa Wuhan Open matapos ang sunud-sunod na kamalasan nito sa nakalipas na mga torneo.
Sariwa pa si Eala sa mapait na 6-3, 3-6, 2-6 kabiguan kay Wang Xiyu ng China sa semifinals ng Asian Games sa Nagoya, Japan dahilan para magkasya lamang ito sa tansong medalya.
Paborito pa naman si Eala na magkampeon sa torneo na magbibigay sana sa kanya ng awtomatikong tiket sa 2028 Olympic Games sa Los Angeles, California.
Nagpasya pa si Eala na lumiban sa WTA 1000 Beijing Open na isang mandatory event ng WTA na may kalakip na penalty dahil sa hindi nito paglalaro sa naturang torneo.
Bukod pa rito, maaga ring nasibak si Eala sa WTA 500 Singapore Open sa Kallang, Singapore kung saan natalo ito kay world No. 180 Tatiana Prozorova sa Round of 16 sa iskor na 6-4, 5-7, 3-6.
Inaasahang ilalabas ni Eala ang ngitngit nito sa Wuhan Open na lalahukan din ng mga Top 10 players sa WTA.
Nangunguna sa listahan ng mga kumpirmadong lalahok sa Wuhan sina world No. 1 Elena Rybakina, No. 2 Aryna Sabalenka, No. 3 Jessica Pegula, No. 4 Coco Gauff, No. 5 Mirra Andreeva, No. 6 Linda Noskova, No. 7 Elina Svitolina, No. 8 Karolina Muchova, No. 9 Iga Swiatek at No. 10 Marta Kostyuk.
- Latest






















