Diouf, Means bagong naturalized players ng Gilas
MANILA, Philippines — May ipaparadang dalawang naturalized players ang Gilas Pilipinas Men’s at Women’s teams sa mga international competitions.
Nakumpleto na kasi nina Malick Diouf at Elizabeth Means ang naturalization process matapos maipasa ang Republic Act Nos. 12318 at 12319 sa Kongreso na isinumite kay Pangulong Bongbong Marcos, Jr.
Hindi ito pinirmahan o tinutulan ng Presidente sa isang 30-day period.
Ang Senegal-born na si Diouf, naglaro sa University of the Philippines Fighting Maroons sa UAAP, ang magiging naturalized player option ng Gilas Pilipinas kasama sina Justin Brownlee at Ange Kouame.
Nasa proseso pa ang naturalization ni San Miguel import Bennie Boatwright.
Ang US-born namang si Means ang magiging unang naturalized player ng Gilas Pilipinas Women.
Sina Vanessa de Jesus at Stefanie Berberabe ay ikinukunsiderang “naturalized” sa ilalim ng FIBA rules dahil sa hawak nilang Philippine passport.
Si Fil-Am Jordan Clarkson ng New York Knicks ay mayroon ding Philippine passport.
Inaasahang maglalaro si Means sa pagsabak ng Gilas Women 3x3 team sa 2026 FIBA 3x3 World Cup sa Hunyo.
- Latest






















