Rodriguez unang triple-gold ng Batang Pinoy Mindanao Leg
TAGUM CITY, Davao del Norte, Philippines — Nagbunga na ang matinding pagsasanay na ginawa ni Paul Anthony Rodriguez sa mga nakaraang buwan.
Hinirang ang 13-anyos na si Rodriguez ng General Santos City bilang unang triple-gold medal winner ng 2019 Batang Pinoy Mindanao Leg matapos manguna sa individual junior male, pair at team events ng poomsae sa taekwondo competition kahapon sa Gaisano Mall dito.
“Medyo na-surprised po. Hindi ko po inaasahan na makakakuha ako ng three golds,” wika ng miyembro ng national junior pool. “Mahirap po kasi ‘yung training namin. Three hours po walang pahinga, six times a week po.”
Nauna nang humakot si Rodriguez, Grade 7 student ng Holy Trinity College sa GenSan, ng tig-dalawang gold medals sa cadet individual male at cadet pair noong 2018 Batang Pinoy Mindanao Leg sa Oroquieta City at sa National Finals sa Baguio City.
Ang tatlong gintong medalya ni Rodriguez ang nagdagdag sa naunang dalawa nina Clint Calvin Atoc at Haein Angelito Aparte para sa General Santos City sa kanilang mga panalo sa rapid boys’ 12-under at 13-15 division, ayon sa pagkakasunod.
Kumuha ng tig-isang gold medal sina Ruelle Canino (rapid girls’ 12 yrs old) ng Cagayan De Oro at Aliyah Rae Lumangtad (rapid girls’ 13-15 yrs old) ng Davao Del Norte.
Sa dancesports sa RDR Gym sa Davao Del Norte Sports and Tourism Complex, tig-dalawang ginto ang ibinulsa ng Kidapawan City, Zamboanga Del Sur, Panabo City at South Cotabato.
- Latest

















