Lagula, Guya bumandera sa Shell Tuguegarao chessfest
MANILA, Philippines - Winalis nina top seed McDominique Lagula at No. 4 Ali Guya ang lima nilang laro para pagsaluhan ang liderato sa boys’ juniors division, habang bumandera naman si Michelle Yaon sa girls’ side sa Shell National Youth Active Chess Championships-Northern Luzon leg sa Brickstone Mall sa Tuguegarao City.
Tinalo ni Lagula ng Far Eastern University sina Donald Baret, Robert Parayo, Janleigh Aguete, Charles Abuzo at Kevin Labog, samantalang pinayukod ni Guya ng Adamson sina Bladeneer Cacatian, Ruel Mateo, Christian Geron, Mark Asejo at Gil Ruaya para sa magkatulad nilang 5.0 points patungo sa huling apat na rounds ng nine-round Swiss system event na nagsisilbing second leg ng five-stage nationwide circuit na itinataguyod ng Pilipinas Shell.
Nagtala naman si National University bet Norvin Gravillo ng apat na panalo at isang draw para sa kanyang 4.5 points at nagsalo naman sa ikaapat na puwesto sina Kevin Labog, Arnold Castillo, Rey Sebolino, Asejo, Geron, Aguete at Abuzo para sa kanilang 4.0 points.
Binigo naman ni Yaon sina Melanie Binarao, Encar Pernites, Biancaflor Geron at Quinna Soler para sa kanyang 4.0 points sa girls class kasunod sina Highzzy Manaloto, Joribene Bonifacio at Hiezel Coraje.
Ginawa nina Jackie Ampil, ang Pilipinas Shell Social Investment manager, at Tuguegarao City administrator Miguel Lim ang ceremonial moves para sa pagbubukas ng two-day event kasama sina Paulo Bernardo, ang Pilipinas Shell Retail Territory manager, at sina Shell dealers Angel Pobre at Jay Carag.
- Latest
- Trending