Lady Eagles inangkin ang huling semis slot
MANILA, Philippines - Hindi pa rin matatawaran ang puso ng isang nagdedepensang kampeon.
Bagamat naibigay ang second at fourth set, hindi naman nagpaawat ang first conference champions Ateneo De Manila University para pabagsakin ang Philippine Air Force, 25-23, 11-25, 25-17, 19-25, 15-9, sa kanilang playoff at angkinin ang ikaapat na silya sa Final Four ng Shakey’s V-League Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan.
Bilang No. 4 team, makakatapat ng Ateneo ang No. 1 Philippine Army sa Final Four na magsisimula sa Linggo, samantalang makakalaban ng No. 2 San Sebastian College ang No. 3 Philippine Navy.
Ang Final Four ay isang best-of-three series.
Nagtumpok ng pinagsamang 36 hits sina Alyssa Valdez at Fille Cainglet para banderahan ang Lady Eagles, habang nagdagdag sina Dzi Gervacio at Gretchen Ho ng 14 at 11 points, ayon sa pagkakasunod.
Ang liberong si Den Den Lazaro ang tinanghal na Best Player of the Game nang humakot ng 13 digs na nagpainit sa opensa ng Ateneo kontra sa Air Force.
Nag-ambag naman sina Jamenea Ferrer at Aerieal Patnongon ng 5 at 3 hits, ayon sa pagkakasunod, para sa Katipunan-based spikers.
Bagamat hinugot si Joy Cases, naglaro para sa nasibak nang Maynilad, bilang kapalit ni Irish Patrona, nabigo pa rin ang Airwomen na talunin ang Lady Eagles.
Humataw si Aiza Maizo ng 25 points para sa Air Force kasunod ang 19 ni Cases, 18 ni Jennifer Manzano at 11 ni Liza Deramos.
- Latest
- Trending