Pilipinas balik sa mapa ng world cycling
MANILA, Philippines - Matapos ang panahon ng paghihintay, muling magbabalik sa world cycling map ang PIlipinas sa pamamagitan ng 2010 Padyak Pinoy Tour of the Philippines kung saan katatampukan ito ng four-stage road cycling competition na inaasahang hahasa sa galing ng Pinoy upang makipagsabayan sa mga dayuhan, di lamang sa Asya kundi maging sa Europa.
Sa pamumuno ni president Pat McQuiad ng Union Cycliste, inaaprubahan ang hiling ng Padyak Pinoy organizer na Dynamic Outsource Solutions, Inc. (Dos-1) para lumahok sa 2010 Tour of the Philippines na magsisimulang umeksena sa Abril 17-20, 2010. Ayon kay Dos-1 president at Padyak Pinoy chairman Gary Cayton, ang nasabing event ay tatawaging "Le Tour de Filipinas."
Makalipas ang 12 taon buhat nang sumali ang Pinas sa UCI calendar sa Asian Continental Circuit noong 1997 kung saan naging tanyag ang Marlboro Tour, sasabak muli ang mga Pinoy na siklista para sa korona.
“This proves the trust and confidence the UCI has on the Philippines, something which Filipino cyclists, particularly past Tour champions, have impressed on the world governing body for the sport, particularly on its president, Mr. Pat McQuaid,” ani Bert Lina, na chairman emeritus ng UCI-recognized PhilCycling na pinamumunuan ni Tagaytay City Mayor Abraham Tolentino.
"This also serves as a boost to the tourism industry in the country while it effectively raises the bar of cycling sports in the local arena,” dagdag pa nito.
Ang four-stage Tour of the Philippines na opisyal na magsisimula sa Abril 17 kabilang ang Tagaytay-Tagaytay massed start race, na susundan ng team time trial competition sa second stage sa Roxas Boulevard at Diosdado Macapagal Avenue sa Maynila. Habang ang Stage ay pasisimulan rin ng massed start sa Quezon City patungong Subic (via NLEX at SCETEX) race, at ang final stage four ay magiging out-and-back competition sa Subic.
Inaasahang limang dayuhang grupo ang lalahok sa Le Tour de Filipinas.
Ang 2010 Tour of the Philippines ay ang tampok na event sa 2010 Padyak Pinoy, na kabibilangan ng 21 stages na tatapusin sa loob ng 25 araw na uusbong sa Davao City, na lalakbay sa Mindanao bago marating ang Leyte at Samar, tatahakin ang daan sa Norte sa pamamagitan ng Bicol at tutuloy sa Cagayan Valley patungong Ilocos para maghanda sa huling stage sa Baguio City. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending





















