PLDT kokonekta sa ika-4 panalo

MANILA, Philippines — Kokonekta ang PLDT sa ikaapat na sunod na panalo sa pagsagupa sa mapanganib na Farm Fresh sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series.
Haharapin ng High Speed Hittres ang Foxies ngayong ala-1 ng hapon, habang sasagupain ng Galeries Tower Highrisers ang ZUS Coffee Thunderbelles sa alas-6 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Solo ng Nxled ang liderato tangan ang 5-0 kartada sa itaas ng Creamline (4-1), PLDT (3-2), Farm Fresh (3-2), Akari (3-3), Choco Mucho (3-3), Capital1 Solar Energy (2-4), Galeries Tower (1-4) at nang ZUS Coffee (0-5).
Mula sa 0-2 panimula sa torneo ay tatlong sunod na ratsada ang ginawa ng High Speed Hitters mula sa mga panalo sa Solar Spikers, Thunderbelles at Cool Smashers.
“Regardless of who we play, I know that if we control the pace, if we play the way that we can, regardless of who’s on the other side of the net, I feel like we’re going to give them a hard time,” ani Fil-Canadian Savi Davison na naglista ng 22 points at 19 excellent receptions sa pagdaig ng PLDT sa Creamline.
Muling makakatuwang ni Davison sina Kim Kianna Dy, Majoy Baron, Mika Reyes, Alleiah Malaluan, Dell Palomata, setter Kim Fajardo at libero Kath Arado.
Nagmula rin sa panalo ang Farm Fresh sa 25-21, 16-25, 21-25, 25-19, 15-10 pagtakas sa ZUS Coffee.
“Mas mabibigat pa ang mga susunod naming laban, kaya kailangan talaga naming makuha ang panalong ito,” ani Foxies star Ces Molina.
- Latest

















