Gilas bukas ang pintuan para kay Brownlee

MANILA, Philippines — Bukas na bukas ang pintuan ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone para kay naturalized player Justin Brownlee sakaling maglaro ito sa 2026 Asian Games na gaganapin sa Nagoya, Japan.
Hindi naglaro si Brownlee sa dalawang laban ng Gilas Pilipinas kontra sa Jordan at Iran sa second round ng FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Mall of Asia Arena sa Pasay City dahil nagpapagaling pa ito sa kanyang injury.
Umaasa si Cone na susulpot si Brownlee para makasama ng Gilas Pilipinas sa pagdepensa ng korona sa Asian Games.
Kasama si Brownlee sa Final 12 na papangalanan ni Cone para sa Asian Games.
“We’ve opened up a spot for Justin. We’ll see if he ends up showing up,” ani Cone.
Wala pang kumpirmasyon kung maglalaro si Brownlee ngunit magandang balita na may usap-usapan na darating ito para sa Asian Games.
“We’re hoping there’s a chance for Brownlee. We heard that Justin might come in. It’s not confirmed. But he’s intending to come, that we know of,” ani Cone.
- Latest



















