Progella, Pagara humataw ng panalo sa AVC tourney

MANILA, Philippines — Tanging sina Khylem Progella at Sofiah Pagara ng Alas Pilipinas lamang ang nakapagtala ng panalo sa pagbubukas ng 2026 AVC Beach Volleyball Continental Championship kahapon sa Shangluo, China.
Pareho namang nabigo sina Sisi Rondina at Bernadeth Pons at James Buytrago at Ronniel Rosales sa kani-kanilang mga laban.
Pinadapa nina Progella at Pagara sina Kristina Karimova at Yekaterina Ryukhova ng Kazakhstan, 21–13, 21–14, para sa kanilang 1-0 record sa Pool C ng women’s division.
Taglay pa rin nina Progella at Pagara ang teamwork na nagpanalo sa kanila sa nakaraang 2026 Volleyball World Beach Pro Tour Futures sa Busan, South Korea kung saan nila tinalo sina Rondina at Pons sa isang all-Filipina final.
Sunod na haharapin nina Progella at Pagara sina Zamira Shagraeva at Odina Uralova ng Uzbekistan ngayong hapon.
Minalas naman sina Rondina at Pons kina Patcharaporn Seehawong at Salinda Mungkhon ng Thailand, 13-21, 21-19, 13-15, sa Pool E.
Nakatakdang bumawi sina Rondina at Pons kina Malikakhon Tursunpulatova at Guzaloy Mamatsodikova ng Uzbekistan sa alas-10:40 ng umaga kasunod sina Jasmine Fleming at Elizabeth Alchin ng Australia sa alas-8:40 ng gabi.
- Latest
























