Nxled ‘di na magpapapigil

MANILA, Philippines — Nadiskaril man noong Martes, muling pipilitin ng No. 1 Nxled na makasampa sa kanilang ikalawang finals appearance sa pagsagupa sa No. 4 Farm Fresh sa ‘do-or-die’ semifinal match ng 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series.
Lalabanan ng Chameleons ang Foxies ngayong alas-6 ng gabi sa Philsports Arena sa Pasig City.
Ang mananalo ang haharapin ng nagdedepensang Creamline, sinibak ang sister team Choco Mucho, 21-25, 25-17, 25-17, 25-23, sa kanilang semifinals game, sa best-of-three championship series.
Sumuko ang Nxled, may bitbit na ‘twice-to-beat’ advantage sa semis, sa Farm Fresh, 27-25, 21-25, 25-18, 19-25, 15-13, kung saan humataw si Trisha Tubu ng 21 points, habang may 18 markers si Royse Tubino.
Inaasahan ni Italian coach Ettore Guidetti na magsisilbing leksyon sa kanyang Chameleons ang pagyukod sa Foxies na tinalo nila sa una nilang pagkikita, 25-19, 25-17, 23-25, 20-25, 15-12, noong Oktubre 17 patungo sa pagwalis sa walong laro sa elimination.
“Now we are mentally definitely more prepared and I really hope that we are going to fight,” wika ni Ettore. “It’s really hard to play against them because they are tall, physical… They have range and direction. So we have to show a little more.”
Muling sasandal ang Nxled kina Fil-Ams Brooke Van Sickle at MJ Phillips kasama sina Myla Pablo, EJ Cariño, Lyann De Guzman, Jackie Acuña, Gel Cayuna at Chiara Permentilla na pumalit kay injured Jonah Sabate-Escamillan (knee injury).
Sina Tubu, Tubino, Ara Galang, Ces Molina, Mylene Paat-Rezanova at Fil-Am setter Alohi Robins-Hardy ang babandera sa Farm Fresh na hangad ang kauna-unahang PVL finals stint.
- Latest


















