Nxled lusot sa farm fresh

MANILA, Philippines — Hinataw ng Nxled ang ikalawang sunod na panalo matapos makawala sa Farm Fresh, 25-19, 25-17, 23-25, 20-25, 15-12, sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab leg kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan City.
Pumalo si Fil-Am Brooke Van Sickle ng 20 points mula sa 14 attacks at anim na blocks para sa 2-0 record ng Chameleons na nakahugot kay Myla Pablo ng 17 markers.
Si Pablo ang naging susi sa dulo ng fifth set tampok ang panapos na block.
“Siyempre, nasa isip ko talaga is mang-block lang sa loob ng court kasi kung maka-touch man ako, malaking bagay na kasi malakas naman iyong sa harapan namin,” ani Pablo.
Nagdagdag si Jackie Acuña ng 12 points kasunod ang 11 markers ni Fil-Am MJ Phillips, habang may 31 excellent sets si setter Gel Cayuna para sa tropa ni Italian coach Ettore Guidetti.
Bigo ang Foxies na makuha ang back-to-back wins para sa 1-1 marka.
Maagang nagdiwang ang Nxled matapos maiposte ang 2-0 kalamangan kasunod ang pag-agaw ng Farm Fresh sa third at fourth sets para makahirit ng fifth frame.
Sumaklolo si Pablo sa dulo ng fifth set mula sa kanyang apat na puntos kasama ang final block para selyuhan ang pagtakas ng Chameleons.
Samantala, bumalikwas ang Creamline mula sa first set loss para resbakan ang Galeries Tower, 27-29, 25-18, 25-19, 25-18, at dumiretso sa kanilang ikalawang dikit na ratsada.
Naglista si Tots Carlos ng 13 points para sa back-to-back wins ng Cool Smashers kasabay ng paghuhulog sa Highrisers sa 0-2 marka.
- Latest





















